Thursday, October 8, 2015

Sunday, March 15, 2015

DAGOK NG KAHAPON sa panulat ni : Jeffrey R. Dangilan


DAGOK NG KAHAPON
sa panulat ni : Jeffrey R. Dangilan

Nakaupo sa isang tabi
Nag-iisip at nagmumuni-muni
Nakatingin sa kawalan
hindi mainpinta ang larawan

Tama na, pwede ba?
Masakit na, hindi ko na kaya
Nakaraan ay hindi maitatanggi
Namumutawi sa mukang tila api

Pagkamulat ay iniwan yaong amang walang paki
Kinalaunan, pinabayaan ng inang nagsisisi
Kung minsa’y pinag-iinitan ni Panut na bayawak
Tanging hangad ikaw ay lumagapak

Ang lahat ay hahamakin
Magtitiis hanggang kakayanin
Upang mgandang bukas para sa akin
Tila bituin na nagniningning sa paningin

SALAGIMSIM NG KAHAPON sa panulat ni:Jeffrey R. Dangilan


SALAGIMSIM NG KAHAPON
sa panulat ni:Jeffrey R. Dangilan

Malalim na ang gabi, nakabibingi ang katahimikan at maaliwalas ang buong paligid ng biglang maalimpungatan si Berting. Naglalakbay ang kanyang diwa sa mga gunita. Mama, huwag nyo po akong iiwan, hagulhol na pagmamakaawa ng bata. Anak, hindi kita kayang bigyan ng magandang kinabukasan. Wala na ang iyong ama. Ihahabilin na lang muna kita sa iyong mga lala. Natitiyak kong magiging maayos ang iyong buhay. Maari mong maabot ang iyong mga pangarap. Kapag pinag-aral ka nila, pilitin mong makatapos sapagkat yaon lamang ang iyong magiging puhunan sa hinaharap. Mabilis lang ang pag-inog ng panahon, hindi mo mamamalayan ay tapos kana. Basta lagi mo lamang tatandaan na maha kita, pagbalik-baligtarin mo man ang mundo ay anak pa rin  kita. Ikaw ang inalagaan ko ng siyam na buwan sa aking sinapupunan, ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap at magpasahanggang ngayon ay patuloy na nagpapakatatag.
Sa murang edad ni Berting ay hantad na agad sa realidad ng buhay. Sa halip na isang batang naglalaro sa kalawakan at nagtatatakbo sa malaparaisong mundo ay mababanaag ang pagsubok ng buhay sa malaampalaya niyang nuo at lalam na labi. “Nasaan po ba si papa? Bakit niya tayo iniwan? Hindi nya ba tayo, ako mahal?”. Alam  mo anak, gustuhin ko mang ibalik ang kahapon ay hindi ko magagawa. Ngunit lahat ng salagimsim ng kahapon ay nagsisilbing pagsubok lamang upang maging matatag tayo sa hinaharap. Huwag kang tumigil na mangarap sapagkat ang mangarap ay libre ngunit kailangan mong pagsumikapan kung nais mong ito’y makamit. Alam mo, mahirap lang kami, ni hindi nga ako nakapagtapos ng pag-aaral. Wala eh, kulang kami sa usaping pinansyal. Kaya umalis ako sa mga lala mo, nagpakalayo at nakipagsapalaran sa nayon, sa Manila. Sa una, talagang kapit sa patalim, walang kakilala, hindi mo alam kong ano ang naghihintay sayo.
Nagtrabaho ako sa isang karinderya. Ayos naman ang pasweldo, kaya lang bawat kainin mo ay ibabawas sa iyong sweldo. Hanggang sa wala ng matira sa kita kundi pambayad sa tirahan. Isang araw ay may nakilala akong mayamang mag-asawa. Nangangailangan sila ng nani na mag-aalaga ng kanilang siyam na taong unica hijo. Kung ikukumpara sa kinikita ko sa karinderya ay mas malaki ng isa’t apat na porsyento ang sweldo kaya mas pinili kong tanggapin ang pagkakataon. Naging maganda ang katayuan ko, hindi naman kasi pasaway ang aking alaga. Mabait ang mag-asawa ngunit hindi nagtagal ay laging mainit ang ulo sakin ni ate, ang amo kong babae. Ewan ko lang nagseselos yata sa akin kasi sobrang bait ng kanyang asawa sa akin. Bahala na nga sila. Kinalaunan ay natanggap naman ako sa tahian, tila ito na ang pinakamasayang pangyayari sa aking buhay. Ditto ko nakilala ang iyong ama. Noong una, syempre pakipot pa ang mama mo pero dahil sa kanyang tiyaga ay nakamit nya rin ang aking matamis na oo.
May mga bagay rin akong pinagsisihan, kung inilaan ko sana ang aking kinikita sa aking pag-aaral bago ang pag-ibig baka naibigay ko pa sa iyo ngayon ang isang maayos na buhay at kumpletong pamilya. Ilang saglit ay sumagi sa isipan ni Berting ang kanyang bagong mundo sa piling ng kanyang lala Mara. Siya ay mapagmahal ngunit istriktong ilaw ng tahanan, ito ang nag-iisa niyang pag-asa upang makataos ng pag-aaral. Malungkot man ngunit sulit na rin sapagkat dito ay may pag-asa siyang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit lagging may balakid, si lolo Devan na hindi maintindihan kung bakit kumukulo ang dugo sa kanya. “tiya Mabel, turuan mo naman po ako sa aking takdang aralin” wika ni Berting. Mabel ,hayaan mo si Berting, paano iyan matututo kung iyong tuturuan, hayaan mo siya matututo sa kanyang sarili. Hindi ko malaman kong bakit wala na akong tama sa matandang ito. Maging sa kanyang pagkain, nakadilat ang kirat na mata ng matanda. Sa bawat galaw at tila may CCTV na laging nakamasid at napapansin ang lahat ng mga gawi.
Sa kanyang paglilimi ay biglang sumagi sa kanyang isipan, “Bakit iba ang apilyedo ni tita Mabel at lolo Devan sa apilyedo ni mama?”. bakit nga kaya? Biglang dumating si Devan. Berting! Berting! May sinaing na ba? Hala, patay, nalimutan kong magsaing. Lagot ako nito. Lintik kang bata ka, anong pinaggagagawa mo at hindi ka nakapagsaing?. Dahil dyan, hindi ka pwedeng kumain, magsawa kang magutom. Tingnan ko naman kong hindi ka madala. Walang magawa si Berting kung hindi umupo sa isang sulok at idaan sa iyak ang kalam ng tiyan na nararamdaman.
Nasundan pa ito ng isang araw ay dumating na lasing si Devan. Berting bumangon ka nga diyan. Ngunit hindi naiingli ang batang si Berting. Dali-daling umalis si Devan at kumuha ng gulok at akmang tatagain si Berting. Ano iyan Devan? Bulyaw ni lala Mara. Tumigil ka nga diyan, lasing ka na naman! Subukan mong saktan si Berting, hindi ako magdadalawang-isip na palayasin ka sa pamamahay na ito. Hindi ko ipagpapalit ang aking apo ng dahil lamang sa iyo. Mas gugustuhin kong mawala ka sa buhay ko sa halip na ang aking apo. Lumayas ka! Layas! Layas!. Natigilan si Devan at umalis ng bahay.
Hindi mapigilan ang pagtulo ng luha ni Berting. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Subukan lamang niyang saktan ako, sisiguraduhin kong mabubulok siya sa kulungan. Dahil sa hindi makataong pagtrato ni Devan kay Berting, napilitan itong maglayas na lamang. Atrasado ang kanyang paglakad, hindi malaman kung pakaliwa o pakanan at hindi mawari kong saan siya tutungo. Basta ang nasa isip niya sa oras na iyon ay makaalpas sa kweba ng kalbaryo. Karingringkring! krig!, tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag si tiya mabel. Hindi niya sinagot ang kanyang telepono. Patuloy sa paglakad sa gitna ng nakatagong liwanag, maaliwalas ang buong paligid. Tamlay na tinatahak ang daang hindi alam kung saan ang tungo. Napatigil siya sa isang kanto, ng biglang may lumabas na isang tila nauulol na aso. Naalimpungatan siya, nagising ang kanyang diwa. Hindi mawari ang gagawin, nangangatal sa takot at pangamba na baka gawing pagkain ng natatakam na aso. Kumaripas siya ngtakbo sa daan patungo sa bahay ni Bb. Rosana. Hingal na hingal, nagangatal at nawala sa diwa ang kanyang paglayas sa kanila.
O, Berting, anong ginagawa mo rito? Wika ni Bb. Rosana- ang kanyang malapit na guro. Naglayas po ako sa amin. Eh, saan ka ngayon patungo? Hatinggabi na Berting. Kung gusto mo ay dito kana muna sa bahay tumuloy. Talaga po, Bb. Rosana? Oo, hindi ka naman kaiba sa akin. Halika na, huwag kang mahiya, ako lang naman ang nakatira dito. Magpahinga kana.
Tiktilaok! Nagising siya sa ingay ng mga hayop sa paligid. Magandang umaga sa iyo Berting. Bumangon kana at kumain muna tayo ng agahan. Habang kumakain ang dalawa “ano ba talaga ang nangyari sa iyo? Bakit ka naglayas sa inyo? Pagtatakang tanong ng magandang Bb. Hindi ko napo kasi masikmura ang pagmamalupit sa akin ni lolo Devan. Simula ng masilayan ko ang silangan puro hirap at sama ng loob na lamang ang aking naramdaman. Tila baga wala ng magandang pangyayari sa aking mga alaala. Kung wala kang ibang matutuluyan, dumito ka muna kahit pansamatala lamang. Ako ang bahala sa mga pangangailangan mo. Wala naman kasi akong kasama dito sa bahay. Kung gusto mong magtuloy ng pag-aaral ay tutulungan kita basta ipangako mo lamang na iyong pagbubutihan. Magsumikap kang makapagtapos ng pag-aaral dahil iyan lamang ang iyong sandigan na mapanghahawakan sa hinaharap. Sumagi sa kanyang isipan ang mga pangaral ng ina.
Tumulong siya sa mga gawaing bahay. Naglilinis, nagluluto, at tuwing sabado ay pinapaganda niya ang bakuran. Sa kabilang banda nama’y tinulungan siya ni Bb. Rosana na magpatuloy sa pag-aaral. Sa araw ng linggo siya ay naglilingkod sa simbahang bato bilang isang altar boy. Sa kabilang dako, pinuntahan ni lala Mara si Bb. Rosana sa kanyang tahanan. “Tao po”, sigaw ng matanda. Sumilip sa bintana si Bb. Rosana. Sino po sila? Ang tanong ng dalaga. Pasok po kayo. Ako ang lola ni Berting gusto ko sana siyang makausap. Sana ay bumalik na siya sa amin. Gayunpaman, lubos akong nagpapasalamat sa pagmamalasakit mo sa kanya. At ipagpaumanhin mo na rin kong nagambala naming ang pribado at tahimik mong buhay. “Huwag po kayong mag-alala, kakausapin kop o si Berting na bumalik na sa inyo.”
Makailang paliwanag man ang gawin ng binibini ay hindi magbukas ang isipan ni Berting na bumalik sa kanila. Hindi pa rin naghihilom ang sugat ng kanyang kahapon. Nakatanaw sa malayo at malalim ang iniisip. Sa gitna ng takipsilim ay naroroon ang pangambang muling masaktan, maliitin at makaramdam ng hindi tamang pagtrato ng isang tao na ni minsa’y hindi niya itinurinn na kaiba.
Tiktilaok! Daddy, daddy, gising na po tanghali na. mahuhuli na kayo sa opisina ninyo. At saka may pasok pa rin po kami. “hays, ang lahat ay isang panaginip na lamang ng kahapon. Mayroon na akong sariling pamilya. Isang buo at masayang pamilya. At hindi lamang sila ang aking pamilya. dala-dala ko pa ang pagiging ama ng lalawigang sa akin ay umaasa at nagmamahal.

Pagsusuri ni Jeffrey Romasanta Dangilan


Masusing Pagsusuri ng Nobela
I.      Pamagat ng Akda: Magkabiyak ng Bayani
May-akda: Domingo G. Landicho
Mga Tauhan:
1.      Benigno S. Aquino, Jr. – Nagmula sa kilalang angkan at lider ng oposisyong political na kritiko ni Marcos.
2.      Corazon C. Aquino – May-bahay ni Ninoy at ina ng demokrasya.
3.      Lupita Kashiwara – Kapatid na babae ni Ninoy
4.      Don Benigno Aquino,Sr. – Ama ni Ninoy, isang duling na hinihinalang nakipagtulungan sa mga hapones.
5.      Hen. Servillano Aquino – Isang politico, beterano ng rebolusyon at lolo ni Ninoy.
6.      Gob. Gen. Theodore Roosevelt, Jr.- kaibigan ni Don. Benigno
7.      Ka Felix Manalo – Tagapagtatag ng Iglesia Ni Cristo, malapit sa mga Aquino
8.      Salvador “Doy” Laurel – Anak ni pangulong Laurel at matalik na kaibigan ni Ninoy
9.      Jose Bautista – editor sa Manila Times-isang pahayagan
10.  Joaquin Chino Roces – May-ari ng peryodiko-Manila Times
11.  Ramon Magsaysay – kalihim ng Tanggulang Pambansa sa Malakanyang
12.  Pang. Elpidio Quirino – Kumilala sa mabuting gawa ni Ninoy
13.  Moises Padilla – Isang dating gerilya at natagpuang tadtad ng punglo ng terorismo
14.  Luis Taruc – Supremo ng mga Huk
15.  Ed Landsdale – Pinunong military ng sandatahang Lakas at kontra sa komunismo
16.  Pangulong Ferdinand E. Marcos – Ang diktador ng bansa at kabro ni Ninoy sa Upsilon Sigma Phi. Sa Unibersidas ng Pilipinas
17.  Ken Kashiwahara – Bayaw ni Ninoy na isang “broadcast journalist”
II.            Buod
Ang nobela ay umikot sa buhay ng isang makabagong bayani, ang martir ng bayan at ina ng demokrasyang Pilipino. Makulimlim ang panahon at parang luluha ang langit sa pagbabalik ni Benigno Aquino, Jr. Itinagtag ang  dalawang oplan para sa pagbabalik ni Aquino. Siya ay nagmula sa kilalang angkan, ang tagapagtanggol at lingkod bayan. Ang bagong katayuan sa politika ng kanyang ama ang nagpabago sa buhay ni  Ninoy. Si Don Benigno ay nasa sangandaan ng ng pag-unlad political ng kanyang bayan. “Sa akin pinakamahalaga ang paglaya ng Pilipinas”, lagging sabi ni Don Benigno kay Ninoy. Labimpitong gulang siya ng mabaling sa pag-aaral ng batas.
Bilang peryodista ay nakarating siya sa Tsina at sa iba’t ibang bansa. Maluningning ang pangalang Ninoy ng siya ay magawaran ng Philippine Legion of Honor for Meritorious Service sa 18 taong gulang. Sa gulang na ito ay nabihag ni Cory ang puso ni Ninoy. Hindi nagtagal sila ay ikinasal dahil sa isang aksidente ng sila ay pauwi na. Siya ay naging punong lungsod sa edad na 23 at kinalaunan ay naging ama ng lalawigan ng Tarlac. Si pangulong Marcos na kabrad niya sa Upsilan Sigma Phi. ang naging mortal niyang kaaway. Pinag-initan siya ng pangulo kung kaya’t maging ang mga patayan sa kalapit na lalawigan ng Concepcion ay sa kanya binibintang.
Hindi naglaon siya ay tumakbo sa pagkasenador ng bansa at siya lamang ang nag-iisang kandidato ng liberal party na kowalisyon ng oposisyon ang pumasok sa eleksyong pambansa. Nagtungo si Aquino sa ibang bansa upang pumasailalim sa isang bypass surgery operation. Sa kanyang pagbabalik ay nagimbal ang lahat ng isang putok ang umalingawngaw. Tinamaan sa ulo ang bayani ng demokrasya. “The Filipino is worth dying for”, sabi ni Ninoy, at ang lahing ito ngayon ay parang walang katapusang daloy ng santinakpang may nais isigaw sa daigdig, ibulong sa kaluluwa ng bangkay. Natagpuan nila ang lakas sa muling pagkikita, nakita nla muli ang sarili bilang isang buo at matatag na bayan, nagdadamayan at nagmamahalan sa isa’t isa.         
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang nobela na kung saan ay kinapapalooban ng kabanabanata.
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang akda ay inilahad sa organisadong pamamaraan na hindi dumaan sa maligoy na pagpapakita ng ideya ng akda. Sinimulan ang unang kabanata sa pinagmulan ng pangunahing tauhan patungo sa isang pangyayaring naglundo sa paggising ng mga makadilaw na lipunan.
C.   Balyus
Ang nobela ay kapupulutan ng gma kagandahang pag-uugali. Sa katauhan ni Ninoy ay ang pagiging matiyaga, pagiging isa sa mababang-uri ng lipunan bagaman siya ay mula sa may kayang angkan at ang diwa ng pagkakaisa para sa isang makalipunan at makataong bansa.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Eksistensyalismo – sapagkat ito ay tumatalakay sa pakikihamok ng isang itinuturing na bayani ng makabagong panahon. Ang kalayaan sa pagpili na kung saan ay mas ginusto ni Ninoy na magbalik sa bansa upang ipagpatuloy ang nasimulan sa kabila ng mga banta na kanyang natatanggap. Hindi man niya pinili na mamatay ay ito ang naging kinalabasan ng kanyang pagpapakabayani para sa demokrasya ng bansa.
        Teoryang Realismo – Ang nobela ay tunay na pangyayari sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. Relaidad ng  buhay ng isang ama ng masang Pilipino na ang tanging hangad ay pagbabago at pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan
        Teoryang Maxismo – dito ay pinapaksa ang tunggalian ng tauhan sa ibang tauhan at tauhan sa lipunan. Ang alitan ni Ninoy at ni Marcos, at ang pakikibuno at simpatya ng mga mamamayang Pilipino sa pagkamatay ni Ninoy
2. Mga pansin at Puna
Ang kalagayan ng pangunahing tauhan ay sumasalamin sa iba’ ibang mukha at kulay ng lipunan. Nagtataglat ng katangiang makaPilipino at isinilang na may dugong bayaning maihahalintulad sa pangyayari sda panahon ni Rizal. Ang kanilang pagkamatay ang nagsilab sa damdamin ng mga Pilipino upang kumaalpas sa gapos ng isang pamumunong diktador.
3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Ang nobelang Magkabiyak na Bayani ay nagkintal sa aking isipan sa malaking ambag ng diwang dilaw, diwang Aquino sa pakikipaglaban para sa isang demokratikong pamumuno at pagsupil sa isang pamamahalang puno ng karahasan at pagbasura sa karapatang pantao
B.    Bisa sa Damdamin
Naantig ang aking puso sa dakilang pagmamahal ng pangunahing tauhan sa Inang Bayan. Sa kabila ng gma banta sa kanyang buhay at pagmamalupit ng pamahalaan at nagpatuloy pa rin siya sa pagtuligsa at pakikipaglaban sa pamahalaan
C.   Bisa sa Kaasalan
Ang pagiging makaPilipinong pag-uugali ng tauhan ang naging dahilan sa dakilang pagmamahal ng taong bayan.
D.   Bisa sa Lipunan
Ang pagkamatay ng kinikilalang ama ng partidong political ng oposisyon ang naglundo upang ang sambayanang Pilipino ay magkapit bisig para mapatalsik ang isang diktatoryal na pamahalaan at manumbalik ang demokratikong pamumuno na bagluklok kay Cory bilang pangulo ng  bansa.


IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Ang mga Pilipino sa panahong ito ay takot na kumalaban sa pamumuno ni Pangulong Marcos ngunit isinilang ang isang tao na may paninindigan. Gayunpaman, masasabing maunlad ang ekonomiya ng bansa at isa sa pinamamarisan ng karatig bansa pagdating sa kalagayang pampinansyal at ekonomiya ng Pilipinas.
B. Kulturang Pilipino
Isa sa kulturang Pilipino na ipinamalas sa akda ay ang paggiging makabansa o makabayan. Ang pagmamahal sa bansang sinilangan.
C .Pilosopiyang Pilipino
Isang ganap na malayang bansa at nagkakaisang bayan ang tinatanaw ng tauhan sa nobela. Pagiging positibo sa lahat ng laban para sa sambayanang Pilipino.
D.   Simbolismong Pilipino
                  Ang pagkamatay ni Ninoy ay naging simbolo sa matagumpay na Edsa People Power Revolution. Isang pangyayaring nakaukit sa kasaysayan ng bansa sapagkat ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagpatalsik ng isang diktador na pangulo ng bansa sa isang mapayapang rebolusyon. Tanging sarili at rosary lamang ang pananggalang habang nakikibaka sa lansangan ang taong bayan. Ito ay nabantog sa buong mundo, na kaya palang magpatalsik ng isang matinik na pinuno sa isang mapayapang paraan.