Sunday, March 15, 2015


Masusing Pagsusuri ng Tula
I.              Pamagat ng Akda: Sa kabataang Pilipino
May-akda: Gat. Jose P. Rizal
Sanggunian: Panitikang Asyano
II.            Buod
Ang tulang “Sa Kabataang Pilipino” (A La Juventud Filipino) ay nagsasaad ng hamon sa mga kabataang Pilipino na gumising sa pagiging manhid at imulat ang mga sarili sa mga nagaganap sa paligid. Ang tula ay nagpapabatid din sa mga kabataan na magkaroon ng adhikaing matulungan ang inang bayan.
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang tula na kinapapalooban ng lalabindalawahing pantig, may sukat ngunit di tugma ang taludturan. Mayroong tono na nagpapakita ng emosyon o damdamin ng persona. Ito ay nagtataglay ng kahulugang higit na malalim sa literal na ipinapahayag.
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang manunulat ay gumamit ng pamaraang daloy ng kaisipan sapagkat tinangkang pukawin ang isipan ng mga kabataan na ipagmalaki ang lahing Pilipino mula sa pagiging mangmang patungo sa kabataan bilang pag-asa ng inang bayan .



C.   Mga Tayutay
        Pagpapalit-tawag
      -“Awit ni Pilomel na sa dusay gamot”, ito ay nangangahulugang isang lunas na parang isang Ibong Adarna na naging sagot sa karamdaman ni haring Fernando ng Berbanya. Nais ni Rizal na ang kabataan ang siyang magiging lunas at magpapalaya ng kanyang lupang sinilangan.
      -“O, ikaw, na iyang pakpak na nais”, ito ay himig ng pananalig saq kabataang Pilipino na maabot nito ang tugatog ng tagumpay.
D. Balyus
                  Matuto tayong tumayo sa ating sariling at huwag magbulag-bulagan sa mga tunay na nangyayari sa lipunan.
E. Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Humanismo – Ang tula ay naaayon sa humanistang paniniwala sapagkat napuna ni Rizal sa mga nangyayari sa paligid na ang mga kabataan ay rasyunal na may kakayahang maging mabuti at siyang tataguyod sa kasarinlan ng bayang sinilangan. Sa pamamagitan ng isang masining na pamamraan ng pagpapahayag, naiparating niya ang mensahe sa kapwa kabataan.
        Teoryang Imahismo – Ang tula ay nasa teoryang imahismo sapagkat gumamit ang may-akda ng angkop o tiyak na salita, simbolismo at porma ng pagsulat.
2. Mga pansin at Puna
        Galaw ng Pangyayari – Ang pagkakabuo ng tula ay nasa puntong ang may-akda ay nagbibigay ng hamon sa mga kabataan na gumising at huwag maging manhid sa hagupit ng karanasan ng mga kastila. Bagamat gumamit si Rizal ng mga tayutay, imahen at mga simbolismo direkta pa ring naiparating ang hamon niya sa mga kabataan. Hindi naging maligoy sa pagsasalansan ng mga ideya at mga pangyayaring kasalukuyang nararanasan ng Inang Bayan.

3. Bisang Pampanitikan
A.   Bisa sa Isip
Ang akda ay isa lamang sa mga nagmulat ng aking isipan sa hindi makatuwirang pagmamalupit ng mga Kastila sa panahong yaon sa bayang sinilangan. Pinukaw niya na marapat lamang na ipagmalaki ang lahing Pilipino sapagkat ito lamang ang nagbibigay ng liwanag sa landas na tatahakin. Tinuruan akong mangarap ngunit para maabot ang pinapangarap , dapat itong paghandaan at pagsumikapan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapakadalubhasa.
B.    Bisa sa Damdamin
Naantig ang aking damdamin sa pagiging positibo ni Rizal sa kabila ng mga kalupitang sa murang isip ay naranasan niya at ng kanyang pamilya. Naging masaya ang aking damdamin sa tinatanaw ng tula na may magandang bukas na kakaharapin ang bansang Pilipinas na sa kasalukuyang panahon ay tunay nating nararanasan.
C.   Bisa sa Kaasalan
Sa pahayag ni Rizal na “ itaas ang noong aliwalas” na nagpapakita ng isang liwanag sa landas na kanilang tatahakin. Pagpukaw sa isipan ng mga kabataaan na gumising at magpakadalubhasa upang iligtas  ang naghihingalong Inang Bayan sa pamamagitan ng isang malinis, makatao at makaDiyos na pamamaraaan.
D.   Bisa sa Lipunan
Ang akda ay nakintal sa bawat kabataang Pilipino ayon sa aklat nina G.F. Zaide at J.M. Zaide, naging klasiko sa Panitikang Pilipino ang tula sapagkat ito ang pinaka-unang tulang naisulat sa wikang espanyol subalit isinulat ng isang katutubo na kinikilala ng Sambayanang Pilipino at sa kauna-unahang pagkakataon, ang tula ay naglalahad ng isang konsepto ng pagkamakabayan ng mga Pilipino na tayo ang pag-asa ng ating bayan at hindi ng mg abanyaga.
IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Ninais ng may-akda na mapag-isa ang lahat ng mga kabataan  upang maging instrumento ng pagbabago. Isang pagbabago na nagbibigay ng pagkakataon upang maiahon ang bansang sinilangan.
B. Kulturang Pilipino
Maaring pumasok dito ang pagiging makabansa ng mga Pilipino. Isang kulturang hindi maiaalis sa sansinukuban.
C.   Pilosop[iyang Pilipino
Ang tula ay tumatanaw sa isang paniniwala ng mayy-akda sa kakayahan ng kabataang Pilipino na maging puno at tagapagtaguyod ng karapatang pantao at kasarinlan ng bansa.
D.   Simbolismong Pilipino
Tulad ng isinasaad sa tula na " kilos kabataan at iyong lagutin, ang gapos ng iyong diwa at damdamin" na sumisimbolo ng kapangyarihan-kapangyarihan na nagbibigay pag-asa para iligtas ang naghihingalong Inang Bayan.










SA KABATAANG PILIPINO
ni Dr. Jose P. Rizal

Itaas ang iyong noong aliwalas
Mutyang Kabataan, sa iyong paglalakad
Ang bigay ng Diyos na tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng bukas.

Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso naming ay nangaghihintay,
Magsahangin kanga’t an gaming isipa’y
Ilipad mo roon sa kaitaasan!

Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na mga silahis na dunong at sining;
Kilos, kabataan at iyong lagutin
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay ‘di matitigan;
Ang putong na yaon ay dakilang alay
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan

O, ikaw, na iyang pakpak na nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo’y yamang nagsisikap.

Ikaw, na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa’y gamot,
Lunas na mabisa sa dusa’t himutok,
Mga kaluluwang luksa’t alipin ng lingkot.

Ikaw na ang diwa ay matalas, makinang
Bunga ng palaging pakikipaglaban,
Kaluluwang sumapit sa iyong hantungan,
Ang nagiging pala’y walang hanggang buhay.

At ikaw, O Diwang mahal ni Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid.
Nagsalin ng kulay at ganda sa langit.

Hayo na ngayon di’t pag-alabin mo
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala’y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.

O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo’y luungap
Umakay sa iyo sa magandang palad. 


















DAGOK NG KAHAPON
sa panulat ni : Jeffrey R. Dangilan

Nakaupo sa isang tabi
Nag-iisip at nagmumuni-muni
Nakatingin sa kawalan
hindi mainpinta ang larawan

Tama na, pwede ba?
Masakit na, hindi ko na kaya
Nakaraan ay hindi maitatanggi
Namumutawi sa mukang tila api

Pagkamulat ay iniwan yaong amang walang paki
Kinalaunan, pinabayaan ng inang nagsisisi
Kung minsa’y pinag-iinitan ni Panut na bayawak
Tanging hangad ikaw ay lumagapak

Ang lahat ay hahamakin
Magtitiis hanggang kakayanin
Upang mgandang bukas para sa akin
Tila bituin na nagniningning sa paningin




Masusing Pagsusuri ng Maiklling Kwento
I.              Pamagat ng Akda: Dalawang Paso ng Orchids
May-akda: salin ni Buenaventura S. Medina
Sanggunian: Panitikang Asyano
Mga Tauhan:
1.      Nguyen- Ang tanyag na matandang iskolar
2.      Boi-Lan-Apo ng matandang iskolar
3.      Mr. Ngoc.- ang nagsasalaysay sa kwento
II.            Buod
Ang kwento ay nagsimula sa pagsasalaysay tungkol sa isang matandang iskolar na pinakamatalik na kaibigan ng kanyang ama. Siya ay nagtataka sapagkat ni minsan ay hindi man lamang ito nakikita sa mga handaan kasama ang mga importanteng tao sa kanilang palasyo. Tanging ang uri ng pagtanggap ng kanyang magulang ang napansin niya sapagkat sa tuwing darating ang matanda ay ang kanyang ama mismo o dili naman ay siya ang naghahanda ng tsa ng insenso. Inilarawan din na ang bahay ng matanda ay isang kubong pawid na itinayo sa gitna ng isang hardin na hindi naman kalakihan. Ang tanging pinagkakaabalahan ng matanda ay ang paghahalaman at pag-aalaga ng dalawang paso ng orchids na kailanman ay walang katumbas na halaga.
Sa hindi inaasahang pangyayari ay pinagbili ng matandang iskolar ang dalawang paso ng orchids kahit lubos ang halaga nito sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang apo na si Boi-lan. Ngunit isinakripisyo ng matanda ang kanyang kaligayahan para lamang makatulong sa kanyang mga kanayon na walang-wala dahil sa silay nasunugan.
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akdang Dalawang Paso ng Orchid ay isang pampanitikang kwento. Ito ay kakikitaan ng mga sangkap ng isang maiking kwento na may tauhang gumaganap sa kwento, may tagpuan o lugar ng kinapangyayarihan, may kabanghayan, kasukdulan, at wakas.
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang kwento ay payak na inilahad ng may-akda. Nagsimula ng may pagtatanong sa isipan ng pangunahing persona o nagsagsalaysay sa akda. Hanggang sa kinalaunan ay natuklasan niya ang sagot sa lahat ng mga tanong sa isipan.
C.   Balyus
Ang kagandahang aral na nangingibabaw sa akdang ito ay ang kakayahang isakripisyo ang sariling kasiyahan upang makatulong sa kapwa taong nangangailangan.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Eksistensyalismo – Ang teoryang ito ay nakatuon sa interpretasyon ng buhay sa mundo at ng kalayaan ng tao sa pagpili. Nakita sa kwentong ito ang eksistensyalistang pananaw sapgkat mas pinili ng pangunahing tauhan o ng matandang iskolar na mawala ang kanyang tanging kasiyahan para lamang sa kanyang mga kanayon na nasunugan.
        Teoryang Realismo – Sa teoryang ito ipinakita ang karanasan ng mga tauhan o ng lipunan sa makatotohanang pamamaraan. Hindi maikakaila na may mga tao  tulad ni Nguyen na ipinanganak na makakalikasan. Ang tanging kaligayahan ay ang pag-aalaga ng mga halaman. Ngunit kaya nilang isuko ang sariling kasiyahan para makatulong sa ibang tao.
        Teoryang Romantisismo – Ang layon ng teoryang ito ay ang pagpapahalaga sa damdamin kaysa kaisipan. Ang kwento ay maaari ring pumaloob sa teoryang ito sapagkat mas pinahalagahan ng tauhan ang pagmamalasakit sa kanyang mga kanayon na nawalan dahil sa sunog sa halip na unahin ang sariling kapakanan.
2. Mga pansin at Puna
Ang tauhan sa kwento ay modelo ng kabutihan at kagandahang pag-uugali na marapat lamang na pamarisan ng mga makababasa ng akda. Mayroong bahagi sa kwento na gumamit ng malalalim na mga salita na maaaring isang dahilan upang hindi agad maunawaan ang kwento ngunit isa itong hamon sa mga mambabasa para alamin ang kahulugan nito. Higit sa lahat, angkop ang titulo ng akda sa nilalaman ng kwento sapagkat ditto umikot ang buong istorya sa kwento.



3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Natutuhan kong may mga  bagay o prisipyo ang isang tao na hindi maipagpapalit o matutumbasan ng anumang halaga ng pera.
B.    Bisa sa Damdamin
Natutuwa ang tibok ng aking puso mula pa lamang sa simula hanggang sa wakas ng kwento. Ang sarap sa pakiramdam na may mga taong handing magparaya para sa ikabubuti ng ibang tao.
C.   Bisa sa Kaasalan
Naipakita ang kabutihang asal ng tauhan sa kwento ng magawa niyang ipagbili kahit sa mababang halaga ang dalawang paso ng orchids na nagsilbinf kasiyahan niya para lamang makatulong sa ibang tao.
D.   Bisa sa Lipunan
Ang akda ay nagkintal upang maging matulungin sa kapwa na nangangailangan. Ang isang nmahalgang bagay ay mas lalong magiging kapakipakinabang kung gagamitin sa kabutihan ng isang tao.
IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Si Nguyen, ang pangunahing tuahan, ay isang matandang iskolar na hindi mahirap pakisamahan dahil sa tanyag niyang katangian. Gayunman, siya ay mahirap lamang na ang tanging pinagkakakitaan ay paghahalaman.
B. Kulturang Pilipino
Isa sa kulturang Pilipino na ipinakita sa akda ay ang pagiginng mapagmalasakit sa kapwa Pilipino. Ito ay naipamalas ng tauhan sa sitwasyong ipinagbili niya ang dalawang paso ng orchids na tangi niyang kasiyahan kahit pa sa murang  halaga na lamang para lamang makatulong sa kapwa.
C .Pilosopiyang Pilipino
Sa kabila ng hirap ng buhay na nararanasan ng mga Pilipino ay hindi parin hadlang ang salapi para lamang sa kanilang pinaniniwalaan.
D.   Simbolismong Pilipino
                  Isa sa simbolismong Pilipino ay ang bahay na gawa sa pawid na itinayo sa gitna ng isang hardin. Ito ay nagpapakita ng tipikal, payak o simpleng pamumuhay ng gma Pilipino. Pangalawa, ang paggamit ng “po at opo” na simbolo ng paggalang at respeto sa mga nakatatanda.






Masusing Pagsusuri ng Maiklling Kwento
I.      Pamagat ng Akda: Bunga ng Kasalanan
May-akda: Cirio H. Panganiban
Sanggunian: Maikling Kwento at Nobela
Mga Tauhan:
1.      Virginia – Ang babaing madasalin at palasimba
2.      Rodin – Ang asawa ni Virginia
II.    Buod
Nagsimula ang kwento tungkol sa mag-asawang si Virginia at Rodin na patuloy sa pag-aasam na magkaroon ng sarili nilang anghel. Sila ay sampung taon ng pinagsama ng panginoon ngunit hindi pa rin natutupad ang kanilang inaasam-asam na magkaanak. Sa tulong ng isang dalubhasang doktor at natupad ang kanilang nais na magkaroon ng supling. Lumundag sa galak si Rodin ng malamang lalaki ang kanyang anak ngunit hindi ito matanggap ni Virginia sapagkat yaon ayon sa kanya ay bunga ng kasalanan. Dahil sa isang panaginip na hindi niya inasahan ay nanaig ang lukso ng dugo at biglang hinagkan ang anak na inimo’y ilang taong hindi nagkasama. Dama ang pananabik sa kanyang anak.
III.   Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang halimbawa ng maikling kwento sapagkat masisilayan ang mga element ng isang kwento. Mayroong tauhan, tagpuan, kasukdulan, kabalangkasan, saglit na kasiglahan at wakas
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang manunulat ay nagsimula sa paglalahad ng mga katangian ng tauhan. Inihalayhay niya ang mga pangyayari sa masining na pamamaraan at hindi naging maligoy sa pagpapalabas ng mga ideya.
C.   Balyus
Ang lahat ng bagay sa mundo ay may tamang panahon at pagkakataon, huwag mawalan ng pag-aasa at ang pinakaaasam ay makakamtam din hindi man ngayon, maaaring bukas o sa susunod na panahon.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Realismo – Ang kwento ay nakapaloob sa teoryang ito sapagkat katotohanan ng buhay na may mag-asawang matagal ng nagsasama, may kaya sa buhay ngunit hindi basta pagkalooban ng anak. Lahat ng santo ay pupuntahan upang makapgdasal lamang na mabiyayaan ng hinihiling na supling.
        Teoryang Eksistensyalismo – Ang teoryang ito ay nakatuon sa interpretasyon ng buhay ng tao sa mundo kasama ang problemang hated nito. Maaring ipasok ditto ang sitwasyon na kung saan ay mayroon silang marayang buhay ngunit suliranin nila ang pagkakaroon ng anak sapagkat may sampung taon na silang kasal.
2. Mga pansin at Puna
Napansin ko na, ano mang problema ang dumating kay Virginia ay lagi siya natawag sa panginoon. Tuloy-tuloy ang daloy ng kwento. Ang may-akda ay gumamit ng matatalinhagang salita,gayunman, madali pa ring naunawaan ang teksto.
3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Hindi lahat  ng bagay sa mundo  ay perpekto. May mga pagkakataon na kahit nasa ito na ang lahat ng kailangan mo para mabuhay ay palaging may kulang.
B.    Bisa sa Damdamin
Naantig ang aking damdamin sapagkat ang mga tauhan sa kwento ay positibo sa kanilang buhay. Sa kabila ng tagal ng panahon na walang anak ay hindi pa rin sila sumusuko na baling araw ay darating din ang bubuo sa kanilang pamilya. dahil ditto, hindi naglaon ay natupad din ang matagl na hinihintay.
C.   Bisa sa Kaasalan
Pananalig sa Poong Maykapal ay isang magandang asal na dapat taglayin ng lahat ng tao sa mundo.
D.   Bisa sa Lipunan
Ang akda ay maaaring maging sandigan ng mga mag-asawa na sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagkakaanak sa kabila ng tagal ng panahon na nagsasama.
IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kulturang Pilipino
Isa sa kulturang bantog sa mga Pilipino ay ang paghiling sa mga santo o ang pagtungo sa iba’t ibang simbahan bilang panata para matupad ang kanilang hinihiling sa panginoon.
C .Simbolismong Pilipino
Ang mga Pilipino ay kilala sa pagiging relihiyoso at ang pagpapanata sa mga santo at simbahan sa paniniwalang sila ay mapagkakalogdan ng biyaya na kanilang hinihiling.

















Masusing Pagsusuri ng Maiklling Kwento
I.              Pamagat ng Akda: Impyerno sa Lupa
May-akda: Louziel Joy Z. Hubalde
Mga Tauhan:
1.      Ella – Nobya ni Rico
2.      Rico – Ang nagsasalaysay sa kwento, matulungin
II.            Buod
Ang akda ay tungkol sa kwento ni Rico na ang tanging hangad ay makatulong sa kanyang kapwa ng may narinig siyang humihingi ng tulong. Nadamay ang kanyang nobya na si Ella ng bigla na lamang itong dumating sa kanyang apartment. Nagawa nilang tumakas ngunit nasabat sila ng kasamahan ng pulis at dinala sa interogasyon. Papatayin din siya ng mga pulis ngunit kung mabuhay man ay makukulong pa rin sapagkat itinanim na sa kanyang kwarto ang mga ebidensya. Dinala sa silid kung saan siya naroroon ang walang malay niyang nobya at walang saplot ang pang-itaas. Lumabas ang tinatago niyang apoy sa galit at binaril ang mga pulis. Natapos ang kwneto ng siya ay nasa hospital at ang nobya ay nasa rehabilitasyon.
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang maikling kwento na walang ganap na katapusan.
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang akda ay gumamit ng unang panauhan sa paglalahad ng kwento. May maayos na pagkakabuo ng ideya upang maiparating ang diwang nais mapalabas sa kwento.
C.   Balyus
Hindi sa lahat ng pagkakataon ang pagtulong sa mga nangangailangan ang may kagandahang dulot sa atin. Kinakailangang pag-isipang mabuti kung sa paanong paraan makatutulong sa ibang tao upang hindi magsisi sa bandang huli.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Relismo – Ang teoryang ito ay nagpapakita ng karanasan ng tao at ng lipunan sa isang makatotohanang pamamaraan. Makatotohanan sapagkat ako’y naniniwala na ang mga pulis hindi man lahat ay siyang unang sumisira sa batas na dapat ay kanilang ipinapatupad. Katulad ng nangyari sa kwento, matapos gahasain ay piñata pa ng pulis at nakita rin ang ipinagbabawal na gamut at isang bag ng pera. Upang maitago ang kanilang kasalanan ay ipinapatay o kaya naman ay “frame-up” ang ginagawa sa mga taong walang kamalay-malay.
        Teoryang Eksistensyalismo – Ang akda ay nakapaloob sa paniniwalang eksistensyalismo sapagkat mas pinili ni Rico na  tulungan ang kanyang kapitbahay na humihingi ng tulong kahit batid niya ang balakid o problema na maaaring maging resulta nito sa kanyang  buhay.
        Teoryang Humanismo – Ang akda ay nakapaloob sa humanistang paniniwala sapagkat ang tao ay rasyunal na nilalang na may kakayahang maging mabuti. Napansin ito sa katangian ni Rico-ang pagiging matulungin sa mga nangangailangan.
2. Mga pansin at Puna
Ang akda ay napapanahon, nagsasalaysay ng mga pangyayaring naganap o nagaganap sa kasalukuyang panahon. Batid kong ang manunulat ay baguhan pa lamang kung kayat hindi naging malinaw ang mga “twist” o pagbabago sa kwento. Pero, pinupuri ko ang may-akda sapagkat nagawa niya makasulat ng sariling niyang obra.
3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Mahirap makipagsapalaran sa buhay. May mga pagkakataon na mabuti pang magwalang kibo na lamang at sumabay sa agos ng buhay kung ang magigigng kapalit ng pagiging dakila ay sariling buhay at buhay ng iyong minamahal.
B.    Bisa sa Damdamin
Nakakalungkot ang kwento ng tauhan sapagkat sa isang iglap ay nawala ang kanilangmagandang pangarap. Nakakagalit sa kahibuturan ng aking puso ang hangal na mga pulis na sa halip gamitan ang batas sa kaayusan at kapayapaan ay ginagamit ang kapangyarihan para mapakapang-api ng kapwa.
C.   Bisa sa Kaasalan
Hindi naging makatarungan at nagpakita ng kagandahang asal ang mga pulis na dapat ay siya pumoprotekta sa mga mamamayan. Bilang alagad ng batas ay marapat lamang na maging ihemplo sila ng kagandahang asal at pag-uugali.
D.   Bisa sa Lipunan
Maaring tuluyang mawala ang tiwala ng lipunan at ng mamamayan nito sahanay ng mga kapulisan dahil sa anay na patuloy sa pagdungis ng uniporme ng sandatahang lakas ng bansa.
IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Malilimitahan o matatakot na ang mga tao na makisalamuha sa mga alagad ng batas sapagkat lagging naririyan ang kanilang pangamba na matulad sila sa pangunahing tauhan sa kwento.
B. Kulturang Pilipino
Ang pagiging matulungin ng mga Pilipino ay hindi nawawala maging ito man ay hindi kapalagayang loob.
C.  Simbolismong Pilipino
Ang mga pulis ay sumisimbolo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa isang bansa. Ito ang nagpapatupad ng katahimikan at mga batas pantao.






SALAGIMSIM NG KAHAPON
sa panulat ni:Jeffrey R. Dangilan

Malalim na ang gabi, nakabibingi ang katahimikan at maaliwalas ang buong paligid ng biglang maalimpungatan si Berting. Naglalakbay ang kanyang diwa sa mga gunita. Mama, huwag nyo po akong iiwan, hagulhol na pagmamakaawa ng bata. Anak, hindi kita kayang bigyan ng magandang kinabukasan. Wala na ang iyong ama. Ihahabilin na lang muna kita sa iyong mga lala. Natitiyak kong magiging maayos ang iyong buhay. Maari mong maabot ang iyong mga pangarap. Kapag pinag-aral ka nila, pilitin mong makatapos sapagkat yaon lamang ang iyong magiging puhunan sa hinaharap. Mabilis lang ang pag-inog ng panahon, hindi mo mamamalayan ay tapos kana. Basta lagi mo lamang tatandaan na maha kita, pagbalik-baligtarin mo man ang mundo ay anak pa rin  kita. Ikaw ang inalagaan ko ng siyam na buwan sa aking sinapupunan, ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap at magpasahanggang ngayon ay patuloy na nagpapakatatag.
Sa murang edad ni Berting ay hantad na agad sa realidad ng buhay. Sa halip na isang batang naglalaro sa kalawakan at nagtatatakbo sa malaparaisong mundo ay mababanaag ang pagsubok ng buhay sa malaampalaya niyang nuo at lalam na labi. “Nasaan po ba si papa? Bakit niya tayo iniwan? Hindi nya ba tayo, ako mahal?”. Alam  mo anak, gustuhin ko mang ibalik ang kahapon ay hindi ko magagawa. Ngunit lahat ng salagimsim ng kahapon ay nagsisilbing pagsubok lamang upang maging matatag tayo sa hinaharap. Huwag kang tumigil na mangarap sapagkat ang mangarap ay libre ngunit kailangan mong pagsumikapan kung nais mong ito’y makamit. Alam mo, mahirap lang kami, ni hindi nga ako nakapagtapos ng pag-aaral. Wala eh, kulang kami sa usaping pinansyal. Kaya umalis ako sa mga lala mo, nagpakalayo at nakipagsapalaran sa nayon, sa Manila. Sa una, talagang kapit sa patalim, walang kakilala, hindi mo alam kong ano ang naghihintay sayo.
Nagtrabaho ako sa isang karinderya. Ayos naman ang pasweldo, kaya lang bawat kainin mo ay ibabawas sa iyong sweldo. Hanggang sa wala ng matira sa kita kundi pambayad sa tirahan. Isang araw ay may nakilala akong mayamang mag-asawa. Nangangailangan sila ng nani na mag-aalaga ng kanilang siyam na taong unica hijo. Kung ikukumpara sa kinikita ko sa karinderya ay mas malaki ng isa’t apat na porsyento ang sweldo kaya mas pinili kong tanggapin ang pagkakataon. Naging maganda ang katayuan ko, hindi naman kasi pasaway ang aking alaga. Mabait ang mag-asawa ngunit hindi nagtagal ay laging mainit ang ulo sakin ni ate, ang amo kong babae. Ewan ko lang nagseselos yata sa akin kasi sobrang bait ng kanyang asawa sa akin. Bahala na nga sila. Kinalaunan ay natanggap naman ako sa tahian, tila ito na ang pinakamasayang pangyayari sa aking buhay. Ditto ko nakilala ang iyong ama. Noong una, syempre pakipot pa ang mama mo pero dahil sa kanyang tiyaga ay nakamit nya rin ang aking matamis na oo.
May mga bagay rin akong pinagsisihan, kung inilaan ko sana ang aking kinikita sa aking pag-aaral bago ang pag-ibig baka naibigay ko pa sa iyo ngayon ang isang maayos na buhay at kumpletong pamilya. Ilang saglit ay sumagi sa isipan ni Berting ang kanyang bagong mundo sa piling ng kanyang lala Mara. Siya ay mapagmahal ngunit istriktong ilaw ng tahanan, ito ang nag-iisa niyang pag-asa upang makataos ng pag-aaral. Malungkot man ngunit sulit na rin sapagkat dito ay may pag-asa siyang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit lagging may balakid, si lolo Devan na hindi maintindihan kung bakit kumukulo ang dugo sa kanya. “tiya Mabel, turuan mo naman po ako sa aking takdang aralin” wika ni Berting. Mabel ,hayaan mo si Berting, paano iyan matututo kung iyong tuturuan, hayaan mo siya matututo sa kanyang sarili. Hindi ko malaman kong bakit wala na akong tama sa matandang ito. Maging sa kanyang pagkain, nakadilat ang kirat na mata ng matanda. Sa bawat galaw at tila may CCTV na laging nakamasid at napapansin ang lahat ng mga gawi.
Sa kanyang paglilimi ay biglang sumagi sa kanyang isipan, “Bakit iba ang apilyedo ni tita Mabel at lolo Devan sa apilyedo ni mama?”. bakit nga kaya? Biglang dumating si Devan. Berting! Berting! May sinaing na ba? Hala, patay, nalimutan kong magsaing. Lagot ako nito. Lintik kang bata ka, anong pinaggagagawa mo at hindi ka nakapagsaing?. Dahil dyan, hindi ka pwedeng kumain, magsawa kang magutom. Tingnan ko naman kong hindi ka madala. Walang magawa si Berting kung hindi umupo sa isang sulok at idaan sa iyak ang kalam ng tiyan na nararamdaman.
Nasundan pa ito ng isang araw ay dumating na lasing si Devan. Berting bumangon ka nga diyan. Ngunit hindi naiingli ang batang si Berting. Dali-daling umalis si Devan at kumuha ng gulok at akmang tatagain si Berting. Ano iyan Devan? Bulyaw ni lala Mara. Tumigil ka nga diyan, lasing ka na naman! Subukan mong saktan si Berting, hindi ako magdadalawang-isip na palayasin ka sa pamamahay na ito. Hindi ko ipagpapalit ang aking apo ng dahil lamang sa iyo. Mas gugustuhin kong mawala ka sa buhay ko sa halip na ang aking apo. Lumayas ka! Layas! Layas!. Natigilan si Devan at umalis ng bahay.
Hindi mapigilan ang pagtulo ng luha ni Berting. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Subukan lamang niyang saktan ako, sisiguraduhin kong mabubulok siya sa kulungan. Dahil sa hindi makataong pagtrato ni Devan kay Berting, napilitan itong maglayas na lamang. Atrasado ang kanyang paglakad, hindi malaman kung pakaliwa o pakanan at hindi mawari kong saan siya tutungo. Basta ang nasa isip niya sa oras na iyon ay makaalpas sa kweba ng kalbaryo. Karingringkring! krig!, tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag si tiya mabel. Hindi niya sinagot ang kanyang telepono. Patuloy sa paglakad sa gitna ng nakatagong liwanag, maaliwalas ang buong paligid. Tamlay na tinatahak ang daang hindi alam kung saan ang tungo. Napatigil siya sa isang kanto, ng biglang may lumabas na isang tila nauulol na aso. Naalimpungatan siya, nagising ang kanyang diwa. Hindi mawari ang gagawin, nangangatal sa takot at pangamba na baka gawing pagkain ng natatakam na aso. Kumaripas siya ngtakbo sa daan patungo sa bahay ni Bb. Rosana. Hingal na hingal, nagangatal at nawala sa diwa ang kanyang paglayas sa kanila.
O, Berting, anong ginagawa mo rito? Wika ni Bb. Rosana- ang kanyang malapit na guro. Naglayas po ako sa amin. Eh, saan ka ngayon patungo? Hatinggabi na Berting. Kung gusto mo ay dito kana muna sa bahay tumuloy. Talaga po, Bb. Rosana? Oo, hindi ka naman kaiba sa akin. Halika na, huwag kang mahiya, ako lang naman ang nakatira dito. Magpahinga kana.
Tiktilaok! Nagising siya sa ingay ng mga hayop sa paligid. Magandang umaga sa iyo Berting. Bumangon kana at kumain muna tayo ng agahan. Habang kumakain ang dalawa “ano ba talaga ang nangyari sa iyo? Bakit ka naglayas sa inyo? Pagtatakang tanong ng magandang Bb. Hindi ko napo kasi masikmura ang pagmamalupit sa akin ni lolo Devan. Simula ng masilayan ko ang silangan puro hirap at sama ng loob na lamang ang aking naramdaman. Tila baga wala ng magandang pangyayari sa aking mga alaala. Kung wala kang ibang matutuluyan, dumito ka muna kahit pansamatala lamang. Ako ang bahala sa mga pangangailangan mo. Wala naman kasi akong kasama dito sa bahay. Kung gusto mong magtuloy ng pag-aaral ay tutulungan kita basta ipangako mo lamang na iyong pagbubutihan. Magsumikap kang makapagtapos ng pag-aaral dahil iyan lamang ang iyong sandigan na mapanghahawakan sa hinaharap. Sumagi sa kanyang isipan ang mga pangaral ng ina.
Tumulong siya sa mga gawaing bahay. Naglilinis, nagluluto, at tuwing sabado ay pinapaganda niya ang bakuran. Sa kabilang banda nama’y tinulungan siya ni Bb. Rosana na magpatuloy sa pag-aaral. Sa araw ng linggo siya ay naglilingkod sa simbahang bato bilang isang altar boy. Sa kabilang dako, pinuntahan ni lala Mara si Bb. Rosana sa kanyang tahanan. “Tao po”, sigaw ng matanda. Sumilip sa bintana si Bb. Rosana. Sino po sila? Ang tanong ng dalaga. Pasok po kayo. Ako ang lola ni Berting gusto ko sana siyang makausap. Sana ay bumalik na siya sa amin. Gayunpaman, lubos akong nagpapasalamat sa pagmamalasakit mo sa kanya. At ipagpaumanhin mo na rin kong nagambala naming ang pribado at tahimik mong buhay. “Huwag po kayong mag-alala, kakausapin kop o si Berting na bumalik na sa inyo.”
Makailang paliwanag man ang gawin ng binibini ay hindi magbukas ang isipan ni Berting na bumalik sa kanila. Hindi pa rin naghihilom ang sugat ng kanyang kahapon. Nakatanaw sa malayo at malalim ang iniisip. Sa gitna ng takipsilim ay naroroon ang pangambang muling masaktan, maliitin at makaramdam ng hindi tamang pagtrato ng isang tao na ni minsa’y hindi niya itinurinn na kaiba.
Tiktilaok! Daddy, daddy, gising na po tanghali na. mahuhuli na kayo sa opisina ninyo. At saka may pasok pa rin po kami. “hays, ang lahat ay isang panaginip na lamang ng kahapon. Mayroon na akong sariling pamilya. Isang buo at masayang pamilya. At hindi lamang sila ang aking pamilya. dala-dala ko pa ang pagiging ama ng lalawigang sa akin ay umaasa at nagmamahal.















Masusing Pagsusuri ng Tele Serye
I.      Pamagat ng Akda: Two Wives
May-akda: Gina Marissa Tagasa
Binuo ni: Ruel S. Bayani
Direktor: Fm Reyes
               Richard Arellano, Reymond B. Ocampo
Mga Tauhan:
1.      Kaye Abad bilang Yvonne – Isang ulirang ina na kayang hamakin lahat ng pagsubok para lamang sa pamilya
2.      Jayso Abalos bilang Victor Guevarra – Isang mapagmahal na ama at nagkamali dahil sa pagmamahal ng dalawang babae
3.      Erich Gonzales bilang Janine – Dalagang ina, handing gawin lahat para sa kanyang anak
4.      Patrick Garcia bilang Albert – Mabuting kaibigan ni Yvonne
5.      Melay Honteveros bilang Carla – Malapit na kaibigan ni Janine
6.      Kenji – May lihim na pagtingin kay Janine
7.      Marcus – Anak ni Yvonne
II.            Buod
Ang tele serye ay tungkol sa kontrobersyal na pagmamahal at pakikipaglaban ng karapatan at pamilya sa pagitan ni Yvonne, Victor at Janine. Nagsimula ang tele serye sa mayang pagsasama at puno ng pagmamahalan ni Victor at Yvonne. Nagkaroon sila ng anak- ito ay si Marcus. Ngunit habang umiinog ang panahon ay dumarami ang kanilang pagsubok bilang mag-asawa at pamilya. parami ng parami ang kanilang gastusin. Hanggang sa naloko ng isang “recruiting agency” si Victor kung kayat naging abo na lamgn ang kanyang pinuhunan para sa negosyo na plano nilang itayo. Dahil ditto ay nakilala ni Victor si Janine. Humaba ang pagsasama ng dalawa sapagkat nagtrabaho bilang drayber ni Janine si Victor. Dahil sa labis na pag-aalala ni Janine sa kanyang anak ay kinuha niya si Victor na magpanggap na Tatay ng kangyang anak. Babayaran niya ito ng sampong libo pumayag lamang sa kanyang inaalok.
Hindi nagtagal ay nagkahulugan ang dalawa, si Janine at Victor at sila ay nagsama at nagpakasal. Sa pagsasamang iyon ay nabuo ang isangbagong anghel. Ngunit dahil sa isang aksidente ay nawala ang alaala ni Victor ang sa muli niyang pagmulat ang tanging naaalala niya ay ang datin niyang pamilya,si Marcus at Yvonne. Muli nagkapalagayang loob ang dating mag-asawa at naiwan si Janine na sugatan ang puso at damdamin. Nakulong si Victor dahil sa paghihiganti ni Janine.
Makailang araw lamang ng pagkakalabas ni Victor sa kulungan, siya ay nabaril at nilagutan na ng hiningi. Dahil sa pagkamatay ni Victor ay nagsisi si Janine sa kanyang mga kasalanan. Naging magkaibigan si Janine at Yvonne. Sila Janine ay nagpakasal kay Kenji at makalipas ang ilang taon ay nagpakasal naman ni Yvonne at Albert. Sila ay namuhay ng Masaya at walang bigat sa kalooban na dinadala.
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang tele serye ng ABS CBN na sinusubaybayan ng sambayanang Pilipino gabi-gabi.

B.    Istilo ng Paglalahad
Inilahad ang mga pangyayari sa pamaraang pasalaysay nanagpapakita ng sunod sunod na daloy ng pangyayari. Inilahad ng director ang mga napapanahong sitwayon sa realidad ng buhay upang makuha ang atensyon ng mga manunuod
C.   Balyus
Isa sa sampung utos Diyos ay ang “huwag kang makikiapid sa hindi mo asawa”, matutong makuntento sa iyong asawa, manatiling tapat sapagkat ang pag-aasawa ay sagrado.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Eksistensyalismo – ang layunin ng teoryang ito ay ang kalayaan ng tao sa pagpili. Ito ay maliwanag na nakita sa tele serye. Ang kalayaan ni Victor na pumili sa kanyang kapalaran at makakasama sa buhay. Ang kalayaan ni Janine na piliin si Victor sa kabila ng katotohanan na ito ay may sarili ng pamilya.nakapaloob din sa teoryang ito na ang hindi pagpili ay isa pa ring pagpili kung kayat hindi man ginusto ni Yvonne na muling mapalapit sa asawa ay hindi niya ito napigilan dahil sa pagmamahal na nanatili pa rin sa kanyang puso at isipan
        Teoryang Realismo – Ang layunin ng teoryang ito ay mahantad ang mga makatotohanang pangyayari sa lipunan. Ang tele serye ay isang representasyon ng sitwasyon sa isang pamilya na kalimitang nangyayari sa totoong buhay.
        Teoryang Romantisismo – Pinahahalagahan nito ang damdamin kaysa kaisipan. Sa kabila ng sakit ng kahapon ay mas pinili ni Yvonne na tanggapin si Victor na muling pumasok sa kanyang buhay. Ninais niyang muling makipagsapalaran upang masunod ang tinitibok ng kanyang puso at muling mabuo ang kanyang pamilya.
        Teoryang Peminismo – ang tele seryent two wives ay maaari ring ituring na nasa pananaw peminismo sapagkat ditto ay ipinakita ang katatagan ni Janine at Yvonne na ipaglaban ang kanilang kaligayahan, pamilya at personal na pangangailangan.
        Teoryang Moralistiko – Ang layunin nito ayt ilahad ang mga pamantayang sumusukat sa sa katangiang moral ng isang tao at pamantayan sa tama at mali. Sa kabila ng lahat ay tinitimbang ni Yvonne ang nararapat na gawin o solusyon sa kanilang problema. Kahit anung pakikipagbuno ang ginagawa ni Janine sa kanya ay patuloy siya sa pagpapatawad at pagpapasensya para sa ikabubuti ng lahat.
2. Mga pansin at Puna
Maaayos na inilahad ang mga pangyayari sa tele serye. Ang mga tauhan ay masining na nagpakita ng katangiang dapat taglayin ng ginagampanan nilang karakter sa kwento. Gayunman, ang tele sreye ay hindi angkop sa mga batang nanunuod. Tamang paggabay ng mga magulang o nakatatanda ang kailangan habang pinapanuode ito.

3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Natutuhan kong marapat na mag-isip muna ng magpailang beses bago gumawa ng desisyon upang hindi pagsisihan sa bandang huli.
B.    Bisa sa Damdamin
May kirot sa aking puso habang pinapanood ang teleserye sapagkat nakakaawa ang sitwasyon ng dalawang babae sa kwento dahil lamang sa pagkakamali ng isang lalaki.
C.   Bisa sa Kaasalan
Nakintal sa akin na masama ang manloko ng tao para lamang sa sariling kapakanan. Bilang isang tao ay marapat lamang na magpakatao tayo.
D.   Bisa sa Lipunan
Lahat ng desisyon na ating gagawin ay maaaring makaapekto sa iilan o nakararami. Maging patas sa lahat ng pagkakataon lalo na sa nararamdaman. Ang mga may-asawa ay maaaring maging gabay ito upang maiwasanang pagkakamali sa hinaharap.
IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Nagkaroon ng lamat at poot sa pakikitungo ng mga tauhan lalo’t higit sa pangunahing tauhan gumaganap sa tele serye. Nagsimula sa hindi pagkakasunduan hanggang sa lumala ng lumala na naglundo sa paghihirap ng mga tauhan.
B. Kulturang Pilipino
Ang pagiging “hospitable” ng mga Pilipino ay nakita rin sa tele serye. Maluwag at maayos na pagtrato ng isang bisita maging ito man ay hindi nila kapalagayang loob.
C .Pilosopiyang Pilipino
Ang pag-aasawa ay hindi kaning isusubo lamang at kapag napaso ay iluluwa. Ito ay sagrado at kinakailangang pag-isipang mabuti bago gumawa ng isang desisyon. Ang isa pa ay, nasa huli ang pagsisisi, sapagkat kung kalian pa namatay si Victor ay saka nila mapapagtanto ang kanilang mga pagkakamali. Saka nagkaroon ng pagkakataonna humingi ng tawad at magpatawad ang mga tauhan.

D.     Simbolismong Pilipino
                  Isa sa simbolismong Pilipino ay ang pagkakaroon ng “close family ties” sa parte ng pamilya ni Yvonne. Sila ay nagtutulong tulong at nagkakaisa anumang hamon ng buhay ay kaya nilang harapin.






Masusing Pagsusuri ng Nobela
J.     Pamagat ng Akda: Magkabiyak ng Bayani
May-akda: Domingo G. Landicho
Mga Tauhan:
1.      Benigno S. Aquino, Jr. – Nagmula sa kilalang angkan at lider ng oposisyong political na kritiko ni Marcos.
2.      Corazon C. Aquino – May-bahay ni Ninoy at ina ng demokrasya.
3.      Lupita Kashiwara – Kapatid na babae ni Ninoy
4.      Don Benigno Aquino,Sr. – Ama ni Ninoy, isang duling na hinihinalang nakipagtulungan sa mga hapones.
5.      Hen. Servillano Aquino – Isang politico, beterano ng rebolusyon at lolo ni Ninoy.
6.      Gob. Gen. Theodore Roosevelt, Jr.- kaibigan ni Don. Benigno
7.      Ka Felix Manalo – Tagapagtatag ng Iglesia Ni Cristo, malapit sa mga Aquino
8.      Salvador “Doy” Laurel – Anak ni pangulong Laurel at matalik na kaibigan ni Ninoy
9.      Jose Bautista – editor sa Manila Times-isang pahayagan
10.  Joaquin Chino Roces – May-ari ng peryodiko-Manila Times
11.  Ramon Magsaysay – kalihim ng Tanggulang Pambansa sa Malakanyang
12.  Pang. Elpidio Quirino – Kumilala sa mabuting gawa ni Ninoy
13.  Moises Padilla – Isang dating gerilya at natagpuang tadtad ng punglo ng terorismo
14.  Luis Taruc – Supremo ng mga Huk
15.  Ed Landsdale – Pinunong military ng sandatahang Lakas at kontra sa komunismo
16.  Pangulong Ferdinand E. Marcos – Ang diktador ng bansa at kabro ni Ninoy sa Upsilon Sigma Phi. Sa Unibersidas ng Pilipinas
17.  Ken Kashiwahara – Bayaw ni Ninoy na isang “broadcast journalist”
II.            Buod
Ang nobela ay umikot sa buhay ng isang makabagong bayani, ang martir ng bayan at ina ng demokrasyang Pilipino. Makulimlim ang panahon at parang luluha ang langit sa pagbabalik ni Benigno Aquino, Jr. Itinagtag ang  dalawang oplan para sa pagbabalik ni Aquino. Siya ay nagmula sa kilalang angkan, ang tagapagtanggol at lingkod bayan. Ang bagong katayuan sa politika ng kanyang ama ang nagpabago sa buhay ni  Ninoy. Si Don Benigno ay nasa sangandaan ng ng pag-unlad political ng kanyang bayan. “Sa akin pinakamahalaga ang paglaya ng Pilipinas”, lagging sabi ni Don Benigno kay Ninoy. Labimpitong gulang siya ng mabaling sa pag-aaral ng batas.
Bilang peryodista ay nakarating siya sa Tsina at sa iba’t ibang bansa. Maluningning ang pangalang Ninoy ng siya ay magawaran ng Philippine Legion of Honor for Meritorious Service sa 18 taong gulang. Sa gulang na ito ay nabihag ni Cory ang puso ni Ninoy. Hindi nagtagal sila ay ikinasal dahil sa isang aksidente ng sila ay pauwi na. Siya ay naging punong lungsod sa edad na 23 at kinalaunan ay naging ama ng lalawigan ng Tarlac. Si pangulong Marcos na kabrad niya sa Upsilan Sigma Phi. ang naging mortal niyang kaaway. Pinag-initan siya ng pangulo kung kaya’t maging ang mga patayan sa kalapit na lalawigan ng Concepcion ay sa kanya binibintang.
Hindi naglaon siya ay tumakbo sa pagkasenador ng bansa at siya lamang ang nag-iisang kandidato ng liberal party na kowalisyon ng oposisyon ang pumasok sa eleksyong pambansa. Nagtungo si Aquino sa ibang bansa upang pumasailalim sa isang bypass surgery operation. Sa kanyang pagbabalik ay nagimbal ang lahat ng isang putok ang umalingawngaw. Tinamaan sa ulo ang bayani ng demokrasya. “The Filipino is worth dying for”, sabi ni Ninoy, at ang lahing ito ngayon ay parang walang katapusang daloy ng santinakpang may nais isigaw sa daigdig, ibulong sa kaluluwa ng bangkay. Natagpuan nila ang lakas sa muling pagkikita, nakita nla muli ang sarili bilang isang buo at matatag na bayan, nagdadamayan at nagmamahalan sa isa’t isa.         
III.           Pagsusuri
A.   Uring Pampanitikan
Ang akda ay isang nobela na kung saan ay kinapapalooban ng kabanabanata.
B.    Istilo ng Paglalahad
Ang akda ay inilahad sa organisadong pamamaraan na hindi dumaan sa maligoy na pagpapakita ng ideya ng akda. Sinimulan ang unang kabanata sa pinagmulan ng pangunahing tauhan patungo sa isang pangyayaring naglundo sa paggising ng mga makadilaw na lipunan.
C.   Balyus
Ang nobela ay kapupulutan ng gma kagandahang pag-uugali. Sa katauhan ni Ninoy ay ang pagiging matiyaga, pagiging isa sa mababang-uri ng lipunan bagaman siya ay mula sa may kayang angkan at ang diwa ng pagkakaisa para sa isang makalipunan at makataong bansa.
D.  Sariling Reaksyon
1. Pananalig Pampanitikan/Teorya
        Teoryang Eksistensyalismo – sapagkat ito ay tumatalakay sa pakikihamok ng isang itinuturing na bayani ng makabagong panahon. Ang kalayaan sa pagpili na kung saan ay mas ginusto ni Ninoy na magbalik sa bansa upang ipagpatuloy ang nasimulan sa kabila ng mga banta na kanyang natatanggap. Hindi man niya pinili na mamatay ay ito ang naging kinalabasan ng kanyang pagpapakabayani para sa demokrasya ng bansa.
        Teoryang Realismo – Ang nobela ay tunay na pangyayari sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. Relaidad ng  buhay ng isang ama ng masang Pilipino na ang tanging hangad ay pagbabago at pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan
        Teoryang Maxismo – dito ay pinapaksa ang tunggalian ng tauhan sa ibang tauhan at tauhan sa lipunan. Ang alitan ni Ninoy at ni Marcos, at ang pakikibuno at simpatya ng mga mamamayang Pilipino sa pagkamatay ni Ninoy
2. Mga pansin at Puna
Ang kalagayan ng pangunahing tauhan ay sumasalamin sa iba’ ibang mukha at kulay ng lipunan. Nagtataglat ng katangiang makaPilipino at isinilang na may dugong bayaning maihahalintulad sa pangyayari sda panahon ni Rizal. Ang kanilang pagkamatay ang nagsilab sa damdamin ng mga Pilipino upang kumaalpas sa gapos ng isang pamumunong diktador.
3. Bisang Pampanitikan
A. Bisa sa Isip
Ang nobelang Magkabiyak na Bayani ay nagkintal sa aking isipan sa malaking ambag ng diwang dilaw, diwang Aquino sa pakikipaglaban para sa isang demokratikong pamumuno at pagsupil sa isang pamamahalang puno ng karahasan at pagbasura sa karapatang pantao
B.    Bisa sa Damdamin
Naantig ang aking puso sa dakilang pagmamahal ng pangunahing tauhan sa Inang Bayan. Sa kabila ng gma banta sa kanyang buhay at pagmamalupit ng pamahalaan at nagpatuloy pa rin siya sa pagtuligsa at pakikipaglaban sa pamahalaan
C.   Bisa sa Kaasalan
Ang pagiging makaPilipinong pag-uugali ng tauhan ang naging dahilan sa dakilang pagmamahal ng taong bayan.
D.   Bisa sa Lipunan
Ang pagkamatay ng kinikilalang ama ng partidong political ng oposisyon ang naglundo upang ang sambayanang Pilipino ay magkapit bisig para mapatalsik ang isang diktatoryal na pamahalaan at manumbalik ang demokratikong pamumuno na bagluklok kay Cory bilang pangulo ng  bansa.


IV. Pagpapahalaga ayon sa Nilalaman
A. Kalagayang Sosyal at Pangkabuhayan
Ang mga Pilipino sa panahong ito ay takot na kumalaban sa pamumuno ni Pangulong Marcos ngunit isinilang ang isang tao na may paninindigan. Gayunpaman, masasabing maunlad ang ekonomiya ng bansa at isa sa pinamamarisan ng karatig bansa pagdating sa kalagayang pampinansyal at ekonomiya ng Pilipinas.
B. Kulturang Pilipino
Isa sa kulturang Pilipino na ipinamalas sa akda ay ang paggiging makabansa o makabayan. Ang pagmamahal sa bansang sinilangan.
C .Pilosopiyang Pilipino
Isang ganap na malayang bansa at nagkakaisang bayan ang tinatanaw ng tauhan sa nobela. Pagiging positibo sa lahat ng laban para sa sambayanang Pilipino.
D.   Simbolismong Pilipino
                  Ang pagkamatay ni Ninoy ay naging simbolo sa matagumpay na Edsa People Power Revolution. Isang pangyayaring nakaukit sa kasaysayan ng bansa sapagkat ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagpatalsik ng isang diktador na pangulo ng bansa sa isang mapayapang rebolusyon. Tanging sarili at rosary lamang ang pananggalang habang nakikibaka sa lansangan ang taong bayan. Ito ay nabantog sa buong mundo, na kaya palang magpatalsik ng isang matinik na pinuno sa isang mapayapang paraan.









No comments:

Post a Comment