Friday, March 6, 2015


                                                        KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO

                                                             ni Joel Costa Malabanan


I.ANG EBOLUSYON NG WIKANG FILIPINO

Kung papaanong ang text message ay naipapadala mula sa isang cellphone tungo sa isa pa ay misteryong sinasagot ng agham. Subalit sa pasalitang pakikipagtalasasan, ang wika ang tagapagdala ng ideya tungo sa mabisang pakikipag-ugnayan. Kung kaya, ang pagkakaroon ng isang pambansang wika ay tulay upang ang isang bansa ay magkaisa at makamit ang minimithing kaunlaran.

Ayon kay Dr. Aurora Batnag ( Kabayan, 2001) sapagkat ang Pilipinas ay multilinggwal at multicultural, nabubuklod ang ating mga watak-watak na isla ng iisang mithiin na ipinapahayag hindi lamang sa maraming tinig ng iba’t- ibang rehiyon kundi gayon din sa isahang midyum na Wikang Filipino. Samakatuwid hindi matutumbasan ang papel ng wika sa pagtatangkang baguhin ang kalagayan ng lipunan ng isang bansa.

Ang Baybayin na tinatawag ring Alibata ay malaon nang ginagamit ng ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila. Ayon kay Jose Villa Panganiban (1994) ang alibata ay malaganap na ginagamit noong 1300 sa mga pulo ng Luzon at Kabisayaan samantalang Sanskrito ang ginagamit sa Mindanao
at Sulu. Ang mga epiko ng mga Bisaya, Tagalog, Iluko, Ipugaw at Bikol ay nasusulat sa alibata; samantalang ang mga epiko ng Magindanaw ay nasusulat sa Sanskrito. Lumilitaw na bagamat hindi pa matatawag na bansa ang ating mga lupain noong mga panahong iyon malinaw na may pundasyon ng panitikan at kulturang umiiral na ginagabayan ng mga wika ng bawat pangkat-etniko.

Sa artikulo ni Senador Blas Ople na lumabas sa pahayagang Kabayan noong Ika-17 ng Agosto, 2001 ipinahayag niya na ang ebolusyon ng pambansang wika ay isa sa mga matatagumpay na kabanata sa kasaysayan ng bansa mula nang ito ay ipanganak bilang kauna-unahang republikang konstitusyunal noong 1898.

Idinagdag naman ni Dr. Batnag sa kanyang artikulong may pamagat na “Wikang Filipino: Kasangkapan sa Pagpapahayag ng Ideolohiyang Filipino” na nalathala rin sa nabanggit na pahayagan na mahigit isang daang taon na ang nakalilipas, sariling wika --- ang Tagalog, at di ang wika ng mga dayuhan ---- ang ibinabandilang tagapagpahayag ng mga mithiin ng Himagsikang Pilipino at naging opisyal na wika ng bagong tatag na Konstitusyon ng Malolos.

Noong Ika-13 ng Setyembre, 1936 nang sa bisa ng Commonwealth Act No. 184 ay naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa.

Naging kinatawaan ng Surian sina:

Jaime C. de Veyra Bisaya-Samar-Leyte Tagapangulo

Lope K. Santos Tagalog Kagawad

Santiago Fonacier Ilokano Kagawad

Casimiro Perfecto Bicolano Kagawad

Felix B. Salas Hiligaynon Kagawad

Cecilio Lopez Tagalog Kagawad

Hadji Buto Moro Kagawad

Isidro Abad Bisaya-Cebu Kagawad

Zoilo Hilario Kapampangan Kagawad

Jose Zulueta Panggasinense Kagawad 


Ang mga nabanggit na kasapi ng Surian ng Wikang Pambansa ang nagsagawa ng pag-aaral upang makapili ng wikang magiging batayan ng Wikang Pambansa. Napagkasunduan nila na piliin ang Tagalog sapagkat;

1. ito ang gamit na wika sa Maynila na siyang sentro ng pamahalaan at kalakalan;

2. nagtataglay ang tagalog ng pinakamayamang talasalitaan at panitikan;

3. madali itong mapag-aralan at maintindihan

4. pinakamalaganap itong ginagamit sa kapuluan

Ayon kay Dr. Pamela Constantino sa artikulo niyang Tagalog Pilipino / Filipino: Do they Differ sa bisa ng Executive Order No 134 na nilagdaan ni Pangulong Quezon noong Ika-30 ng Disyembre, 1937 ay kinilala ang Tagalog bilang basehan ng pagbubuo ng Wikang Pambansa. Idinagdag niya na Starting in 1940, the Tagalog- based national language was taught in all public and private schools. The language Pilipino was the Filipino National Language (in 1943) that was based on Tagalog beginning in 1959 when Department order No. 7 was passed by then Secretary Jose Romero of the Department of Education. The same name (Pilipino) was also used for the official language, the language for teaching and subject national language starting 1959. This stopped only when Filipino was approved as the national language. Filipino was the name used to call the national language in 1987 Constitution.

Ngunit ano ba ang pagkakaiba ng Pilipino sa Filipino? Ayon pa kay Constantino: It was apparent that Pilipino was also Tagalog in concept and structure and there was no Pilipino language before 1959. Also, there was no Filipino language before 1973. Pilipino is different from Filipino even though both became national languages because these are different concepts --- one was based on only one language and the other on many languages in the Philippines, including English and Spanish. Samakatuwid, teknikalidad sa Saligang Batas ang naghihiwalay sa Pilipino at Filipino bukod pa sa ang Pilipino ay wikang nakabatay lamang sa Tagalog bilang Pambansang Wika samantalang ang Filipino ay ang kabuuang bunga ng ebolusyon ng wikang Pilipino kasama ang pagbabago dulot ng impluwensiya ng wikang Kastila at Ingles. 

Ayon naman sa aklat na Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? (2000, Bob Ong ) hanggang ngayon ay mahirap pa ring resolbahin ang isyu sa Wikang Pambansa dahil iba-iba pa rin ang sinasabi sa mga dyaryo, magazine at libro ukol dito. Idinagdag pa sa aklat na si dating Governor Osmeña ay nagpahayag na hindi patas kung pipiliting mag-Tagalog ang mga hindi-Katagalugan. Pero ipinaliwanag din sa aklat na: sa dating ginawang survey sa Ateneo de Manila University, 98% na ng mga Pilipino ang kayang umintindi ng Tagalog, samantalang 51% lang ang nakakaintindi ng English. Patunay lamang na malaganap na ang paggamit ng Filipino sa kasalukuyan sa ating bansa.

Batay na rin sa Saligang Batas noong 1987, binago ng Surian ng Wikang Pambansa na kilala ngayon bilang Komisyon ng Wikang Pambansa ang ang pagbabaybay ng mga pantig sa Wikang Filipino halaw sa alfabetong English. Nagkaroon din ng mga pagtatalo ukol dito subalit sa kasalukuyan ang Modernong Alfabetong Filipino ay binubuo 28 letra kasama ang Ñ na hango sa Kastila at ang Ng na hago sa sinaunang Baybayin (Alibata).

Noong taong 2001 ay nagpalabas ang Komisyon ng Wikang Filipino ng pamantayan sa wastong paggamit ng mga hiram na titik at pagsasalin ng mga salita mula sa ibang dayuhang wika. Subalit taong 2007 nang muling ipahinto ng bagong pamuuan ng KWF, ang pagpapalaganap ng mga pamantayang ito sapagakat maging ang mga dalubwika sa iba’t-ibang pamantasan ay nagtatalo pa ukol dito.



II. ANG WIKANG FILIPINO AT ANG ISYU NG GLOBALISASYON

Ayon kay Dr. Pamela Constantino (Kabayan, Marso 14, 2003) sa artikulo niyang may pamagat na “Folklore at Wika” hindi na bago ang globalisasyon sapagkat matagal na tayong nasa ilalim ng globalisasyon sa anyo ng kolonisasyon, migrasyon at ekonomikong globalismo. Napailalaim na tayo sa mga makapangyarihang bansa mula pa noong ika-16 na siglo hanggang sa kasalukuyan. Ang ating mga kababayan ay nasa iba’t-ibang panig na ng mundo at marami nang korporasyong multinasyonal ang matagal nang nagpapatakbo ng negosyo sa ating bansa. Hindi na rin bago sa atin ang mga terminong privatization, oil deregulation, IMF-Worldbank, CNN, Coke, Mc Donald’s, import liberalization at iba pa.

Idinagdag pa niya mula pa sa pagpapalit ng siglo ay ginagamit na ang at pangunahing midyum na ng edukasyon at opisyal na komunikasyon ang Ingles. Kung kaya ano pa nga ba ang bago sa isyu ng globalisasyon at Wikang Filipino?

Bakit muling tinututulan ang deklarasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na paigtingin ang pag-aaral ng English sa paaralan na nakasaad sa E.O 210? Ayon sa Samahan ng mga Kolehiyo at Unibersidad sa Filipino (SANGFIL) sa artikulong nalathala sa pahayagang Kabayan noong Pebrero 12, 2003, ang hakbang na ito ng pangulo ay sumasalungat sa mga siyentipiko at makabagong prinsipyo sa edukasyon partikular ang katotohanang mas mabilis matuto mga bata sa ikalawang wika kapag literado na sila sa sariling wika. Naniniwala ang SANGFIL na hindi makatutulong na hindi dapat sisihin sa Wikang Filipino ang paghina ng kakayahan ng mga mag-aaral sa English.

Sa pahayagan ding Kabayan noong Pebrero 14, 2003 ay nagpalabas ng manipesto ang Sentro sa kahusayan sa Filipino, Komisyon ng Lalong Mataas na Edukasyon ng DLSU na nagsaaad na ang English ay hindi solusyon sa problema ng edukasyon sa Pilipinas. Nakasaad sa manipesto na matagal nang panahong ginagamit ang English bilang pangunahing wikang panturo ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang problema ng bansa sa ekonomiya at edukasyon. Dapat nating alalahanin na ang sagot sa mga ganitong problema ay nakasalalay sa pagpapatibay ng karunungan ng mamamayan at ito ay makakamit sa wikang Filipino. Ang ganitong ideya ay pinatutunayan ng mga lokal at internasyunal ng mga riserts (pananaliksik) na mas mabilis ang pagkatuto ng mga bata kapag sa sariling wika nag-aral at ng mga bansang umuunlad na gamit ang sariling wika sa pagsasalin ng kaalaman.

Nabanggit din sa manipesto na posibleng ang pahayag ni GMA ay pagtalikod sa responsibilidad ng pamahalaan na bigyan ng pagkakataon ang mamamayan na paunlarin ang buhay sa sariling bayan bagkos ay pinapag-aral tayo ng Wikang English upang ipagtabuyan tayo sa ibang bansa. Isa itong nakalulungkot na senaryo na habang tayo ang tambakan ng produkto ng iba’t-ibang mga bansa, ang atin naming inieeksport sa kanila ay mga OFW’s upang maiangat ang ekonomiya ng ating bansa.

Ganun pa man, upang makalangoy sa dikta ng globalisayon, hindi rin naman dapat ipagwalang bahala ang pag-aaral ng English bilang universal na wika. Ayon kay Satoko Iwasaki, isang guro sa Tokyo, Japan, batay sa istatistiks noong 1996, ang wikang Chinese ay ginagamit ng 999 milyong tao, 487 milyon ang gumagamit ng English, 457 milyon ang gumagamit ng Hindu, 401 milyon ang nagsasalita ng Spanish at 280 milyon naman ang gumagamit ng wikang Russian. Patunay ito nang paglaganap ng English.

Subalit, malinaw na dapat itanim sa isipan ng mga mag-aaral na ang pag-aaral ng English ay bahagi ng pagtatangka nating matuto sa larangan ng teknolohiya at hindi kailan man bilang bahagi ng pagpapailalaim sa imperyalismong US. Ayon kay Paolo Freire sa aklat niyang A Pedagogy for Liberation (1987), because of the political problem of power, you need to learn how to command the dominant language, in order for you to survive in the struggle to transform the society. Kung kaya ang pagbabago ng lipunan tungo sa pag-unlad ng mamamayan ay nangangailangan ng pag-aaral ng English sa antas na ang bansa ay makakasabay sa daloy ng mundo nang hindi nalilimot ang sariling kultura at pagkatao.



III. WIKANG FILIPINO MULA ALIBATA HANGGANG TEXT MESSAGING

Batay sa teorya ni Aram Noam Chomsky (1928), lahat ng tao ay may Language Acquisition Device (LAD. Idinagdag niya na everyone is born with some sort of universal grammar in their brains------basic rules which are similar across all languages. Ang sinaunang balarila na nakabatay sa Baybayin ay may pamantayan ding sinusunod. Iyon nga lamang, hindi ito lumaganap dahil sa kolonisasyon ng Kastila sa ating bansa. Kung kaya’t kung pagtatangkaang muling pag-aralan nag Baybayin sa kasalukuyan, ang iniisip ng marami na mahirap itong maunawaan ay isang kasinungalingan. Kahit ang mga pre-schoolers sa kasalukuyan ay matututo nito kung agad tuturuan. Kung kaya, ang pagkatuto ng wikang Filipino gamit ang alibata ay isang ambisyong sa tingin ng iba ay hindi praktikal subalit posible. Sapagkat hindi ba magiging lubos ang pagkakaroon natin ng sariling pagkakakilanlan sa wika kung muli nating bubuhayin ang alibata? Sapagkat kahit si Rizal sa El Filibusterismo ay ginamit si Simoun na nagpahayag ng mensaheng:

Anong lahi kayo sa kinabukasan? Isang bayang walang kaluluwa, isang bayang walang kalayaan na lahat nang bagay ay hiram ultimong ang kasalanan at kabiguan?

Marami na ang pagtatangka na buhayin ang alibata. Ayon kay Bayani Mendoza De Leon, ang makabayang si Aurelio Alvero na kilala rin sa tawag na Magtanggol Asa (pinatay si ng mga Hapon dahil sa kanyang sinulat) at ang kasamang si Jose Sevilla ang bumuo noong 1940 ng SALITIKAN NG WIKANG PAMBANSA. Noong 1972 ang iskultor na si Guillermo Tolentino ay naglimbag ng kanyang akalta na Baybayin, a Syllabary. Noon namang 1978, si Ricardo Mendoza sa kanyang aklat na Pinadaling Pag-aaral ng Katutubong Abakadang Pilipino ay nagpaliwanag na dapat isama sa kurikulum ng edukasyon ng Pilipinas ang pag-aaral ng alibata upang ang kasalukuyang Filipino ay malinawan hinggil sa kanyang pagkatao.

Idinagdag pa ni de leon na sa isang artikulong Bathala and our Baybayin na kasama sa publikasyon ng Union Espiritista Cristiana de Filipinas, Inc, binigyang linaw ni Guillermo Tolentino ang bawat karakter sa alibata. Sinimulan niya ang paliwanag sa salitang BATHALA kung saan ang BA, isinusulat na ay simbolo kasarian ng babae, kung kaya ang unang pantig sa salitang BABAE. Ang LA ay sagisag naman kasarian ng lalake habang ang TA ay mula sa hitsura ng sinaunang martilyo na gamit sa paghampas o pagdurog na bato. Ilan pa sa paglalarawan ni Guillermo ang sumusunod:

MA -isang sinaunang pana na tanging ang malakas lamang ang nakagagamit

KA -dalawang linya na itinaling bilang isa,basehan ng salitang kasama, kaugnay, kakabit, kabiyak at katipunan

WA - represents the turning back of the end of the thread from a spool. It describes nihilistic impulse to turn against oneself to yield to the dark forces of destruction, to deny life and existence. Hence it is found in such words as WAKAS, WALA, WASAK and WATAK

NGA - nagpapakita ng ingay ng hayop tulad ng baka at kalabaw na nag-iingay nang UNGA

DA - nagpapakita ng dalawang linya, tuwid o nakaliko na repleksyon ng dinaanan ng tao o hayop. Kung kaya ang salitang DAAN ay nagpapakita ng direksyon tulad ng DOON, DITO, DIYAN at DULO. 

Gaano man katumpak o kalihis ang paliwanag ni Guillermo Tolentino tungkol sa alibata ay hindi maitatatwang tiyak na may pinagmulan ang bawat naimbentong titik ng ating mna ninuno. Higit pa sana itong napagyaman at napaunlad kung marami ang nagsikap at nagtangkang paunlarin ito. Ganun pa man ay hindi pa huli ang lahat. may mga guro pa rin na nagsisikap na ituro ito sa paaralan at maging sa internet ay may web site na nagpapaliwanag sa epektibong paggamit ng alibata.

Hinggil naman sa text messaging, may malaking pagkakatulad ang proseso ng paggamit nng salita sa cellphone at ang pagbabaybay gamit aang alibata. Sa cellphone ang pagpapantig at pagpapaikli ng salita ay tulad rin sa prinsipyo ng pagpapantig gamit ang Baybayin. Halimbawa, kung itatayp sa cellphone ang pangungusap na PUPUNTA AKO SA BAHAY, tiyak na ganito ito paiikliin sa PPUNTA AKO S BHY. Malinaw na ang texting at ang paggamit ng alibata ay parehong nakabatay sa konsepto ng pagpapantig. Magiging kumplikado ang lahat kung taglish ang pagtetext, halimabawa, PPUNTA ME SA HAWS katumbas ng naunang halimbawa.

Hiwalay sa paksa ng Baybyin, nababahala ang mga lingguwista sa tinatawag nilang pagkawasak ng balarila sa wikang English man o sa Filipino. Kung tutuusin ay wala namang problema dito kung nagkakaunawaan naman ang dalawang nagpapalitan ng text messages ngunit lumilitaw ang problema sa mga estudyante kapag sila ay naatasang gumawa ng sulating pagsasanay sa Filipino. Ang panghalip na niya ay nagiging nya at ang siya ay nagiging sya. Mas malala pa ang pagkasira ng konsepto ng pamanahunan ng pandiwa at ang maling paggamit ng pang-ugnay na nang na bunga na rin ng pagkasanay ng mga mag-aaral sa pagpapaikli ng mensahe sa cellphone. Kung kaya ang panukala sa ganitong sitwasyon ay mahigpit na pagwaswasto ng mga guro sa mga munti mang pagkakamali ng mga mag-aaral sa pagsulat nila ng mga pormal na komposisyon upang matiyak na ang mga batas sa balarila ay naipatutupad. Sa ganitong paraan ay mapipigil ang pagkasira ng mga panuntunan sa wika.

Kung talagang susuriin ay hindi naman talaga bago ang texting ayon kay Dr. Isagani Cruz. Sa kanayang artikulong may pamagat na ANG TXTNG BLNG TXTO na lumabas sa MALAY XVII (1) noong Agosto 2002, ipinaliwanag niya na ang proseso ng texting ay walang ipinagkaiba sa speedwriting noon pa mang unang panahon sa England. Ang nabago lang ay ang teknolohiya ng paggamit ng speedwriting sa cellphone. Binigyang diin din ni Dr. Cruz na maging sa Baybayin o Alibata ay may istruktura ng texting lalo pa sa Bisayang alibatang pagbabaybay ng mga pagbating maayong aga, maayong buntag, maupay na aga, daghang salamat na higit na mauunawaan pag binisita ang web site ng (alibataatpandesal.com).

Anupa’t ang ebolusyon ng wikang Filipino mula sa alibata patungong text messaging ay sadyang malinaw na masasalamin kung pagtutuunan ng pansin. Kung kaya, kung patuloy na payayabungin ang paggamit ng alibata, hindi kataka-takang balang araw ay magkaroon na ng espesyal na cellphone na ang keypad ay may alibata o kaya naman ay computer na may lengguwaheng gumgamit ng alibata. Ang kailangan lamang ay ating pahalagahan ang paggamit nito at huwag isipin ang depinisyon ng praktikalidad na nakabatay sa dikta ng dayuhan sa ating ekonomiya at kultura. Kung patuloy na payayabungin ang Wikang Filipino at gagamitin ang Baybayin, ang susunod na henerasyon ang makikinabang sa pagpupunyaging maaaring pasimulan natin ngayon sa kasalukuyan.

No comments:

Post a Comment